SA SOMALILAND
Kakaiba talaga ang lugar. Mabuhangin, kakaunti lang ang sementadong daan. Lilingunin mo ang tila bagang bundok na basura pero kung sa malapitan, bahay pala. Parang igloo na gawa sa kardbord, plastik at lata. Ito ang mga bahay ng nomads, pagkatapos sa isang lugar isasalpak na lamang sa likod ng kamel at lalarga. Mga 7-10 ganitong bahay ang kumpol kumpol sa isang lugar, walang katabi matatanaw mo na lang sa malayo ang ilan pang kumpol kumpol na mga bahay ng nomads.
Malamig, mala Baguio, kung kaya't mainam din ang mahahabang suot ng mga babae. Sinabihan ako ni Zurayda na magsuot ng pantakip sa ulo, dahil daw pupunta ako sa erya, at para maging katanggap tanggap sa mga Somali mainam na nakapandong. Ganon nga ang ginawa ko, gulat ng drayber ng sasakyan ng nakita niya kong may pandong, tuwa naman siya ng sabay ko siyang binati ng "Suba wanagsan" o magandang umaga.Dumaan kami saglit sa palengke dahil kailangan kong magpapapalit ng kakarampot kong dolyar, para makabili ng film at makakuha ng larawan na maipapakita sa aking kaibigan at pamilya pagbalik. Parang tipikal na talipapa ang palengke. Kukulot ang buhok ni BF kung mapadayo siya dito. Laking gulat ko ng inihinto ako sa isang tabi. Nasaan ang money changer ? Ayan oh...sabay turo sa ibaba. Nakasalampak ang mga mamang nagpapalit ng pera. Sa harap nila merong parang kahon na gawa sa chicken wire, nandun sa loob ang gabundok na pera, nandun sa tabi ng talipapa sila nakahelera. Walang magnanakaw o nag-iisip dakmain ang pera. Kakataka pagkahirap hirap na bansa pero walang mga ganid at masasama ang loob. Sampung dolyar lang ang pinapalit ko, 46,000 shillings ang kapalit. Yaman ko no ? Sa isip isip ko, lintek bawal ang pitaka dito, bayong ang kailangan para magkasya ang kakarampot mong pera.
Nakapandong ang ulo ko nang nagpapapalit ako ng pera, mahaba ang palda at naka long sleeves (oo alam ko hindi western ang kanilang fashion). Tinginan pa din ang mga tao habang bumababa ako ng sasakyan at nagpapapalit, sigaw ang iba "Arab arab arab" tama ba yung tawagin akong arabo. Mukha daw kasi akong Arabo dahil sa aking mata. Ewan, siguro. Hindi talaga ako sanay na me taklob sa ulo. Hindi kumportable, kung kaya't maya maya eh tinatanggal ko din. Gaya ng pagpasok namin sa tindahan para bumili ng film "You chinese ? " sabi ng tindero. Sa isip ko lang, "pokala! wala ng tumama ! " Hindi pa nakuntento at dinagdagan pa ng kung Koreano daw ako. Sabi ko Filipino from the Philippines. Tingin lang siya, isang tingin na parang nagsasabing SAN YUN ?
Para sa mga Somali, iisang lahi ang Hapon, Koreano, Intsik at Pinoy. Hindi ba't parang tayo, makakita lamang ng puti Kano na ang turing, makakita lang ng Itim, Aprikano na, at hindi rin natin iniisip kung sila'y taga Kenya, Burkina Faso, South Africa etc. Iisa lang ang lahi ng iisang kulay.
insidesomaliland
0 Comments:
Post a Comment
<< Home