Wednesday, November 02, 2005

SA FRANCE

Tulad sa ibang bansa, marami sa mga Pilipino rito ay nakapagtapos ng pag-aaral. Wala nga lang bilateral relation ang ating bansa sa bansang Pransya, kaya nahihirapang maipraktis ang kanilang mga propesyon ang mga may pinag-aralang Pinoy, at kung meron mang mga pinalad ay talagang dumaan sa butas ng karayom.Nariyan na ang mahirap na lengguwahe ng mga pranses at ang mga pagsusulit na kailangang pagdaanan para kilalanin ang diplomang dala dala mula Pilipinas.
Ang majority ng karamihang naririto ay tulad ni Carmen.Nagtapos ng pagtuturo sa Pilipinas si Carmen na humantong sa pagkakatulong dahil sa kawalan ng papel. Tatlong taon nang naninilbihan si Carmen, hirap man, hindi nito alintana ang sakit ng loob na malayo sa pamilya. Isa ito sa mapalad na makapaglingkod ng mabait na amo at siya ay kumikita ng halagang 10 euro kada oras o 80 euro sa isang araw na pagtatrabaho. Kayod kabayo si Carmen at alam niyang hindi habang panahon siya sa ganitong uri ng trabaho, kaya naman kahit week end ay tumanggap ito ng trabaho.
Malayo sa hinagap ni Peding na isang araw ay mapapadpad siya sa France. Dahil sa mabuting serbisyo, kinuha ito ng dating pinananilbihan sa Pilipinas. Sa Paris, nakilala niya si Joel, makaraan ang isang taon, sila ay nagpakasal. Upang matuto ng wikang pranses, inenroll ni Joel ang asawa sa isang panggabing paaralan sa kanilang lugar. Habang nag-aaral sa gabi, humanap ng trabaho bilang taga-sundo ng bata si Peding, ang perang kinikita ay ipinapadala niya sa magulang sa Pilipinas. Siya ay nasa pangalawang taon na ng kanyang pag-aaral ng wika at sa darating na taon ay binabalak naman niyang kumuha ng kursong may kaugnayan sa larangan ng turismo.
Tulad ni Peding, si Lynda ay isa ring maybahay ng pranses, bagaman kaiba sa dalawa si Lynda ay hindi pumasok na TNT sa bansa. Sa Pilipinas niya nakilala si Pierre at doon na rin sila nagpakasal. Wala rin siyang naging problema sa sitwasyong legal at kasalukuyan itong nag-eenjoy ng mga benepisyong inooffer ng gobyernong pranses. Dumating siyang may kaunti nang kaalaman sa wikang pranses. Pagkaraan ng anim na buwang pag-aaral sa isang kolehiyo sa Paris, kumuha ng kursong pharmaceutical si Lynda.
Taliwas sa batas noong mga 1980’s, mahigpit ang sitwasyon ngayon ng mga TNT’s dito sa France, bahagya nang lumabas ang mga kauri ni Carmen. Bagay na ikinabahala ng ilang asosasyon dito sa France.Isa ang Act Up, na nagsasabing ang malawakang pag-kontrol ng imigrasyon ng bansa sa mga walang papel ang siyang magtutulak upang hindi na sumangguni ang huli kung may karamdaman, bagay na hahantong sa mas malubhang kalagayan.Tunay nga, noong isang buwan, patay ng inuwi ang isang Pilipina. Ayon sa mga ilang kakilala, ito ay madalas na karinggan ng pananakit ng tiyan, dahil sa takot at kawalan ng kaalamang maaaring makapagpagamot na hindi kinakailangang may legal status, ay nagsarili na lamang sa pagbili ng kung anong gamot para sa sakit ng tiyan. Sa ngayon marami pa ring tulad ni Carmen at Peding ang pumapasok sa bansa, naroroong dumaan ng Denmark o Germany. Ang iba naman ay nagbabakasakali pa rin sa border ng Italy.
MAD Pinoy

0 Comments:

Post a Comment

<< Home